Pag-ibig, isang salitang maraming kahulugan at depinisyon, depende sa taong tinatanong mo. Isa ito sa mga misteryong hindi kayang ipaliwanag ng siyensya tulad ng kahulugan ng buhay, kamatayan, stonehedge, multo, sumpa ng mummy at hiwaga ng Bermuda Triangle. Noong high school madalas nating makita ang tanong na “What is love?” sa mga slum note, dati baduy na baduy ako sa tanong na ito kaya ang isinusulat ko na lang ay “Love is blind”. Oo, corny dahil panahon pa yata ni McArthur nabuo ang sagot na ‘yun.
Noong 3rd year nabago ang sagot ko sa tanong na “What is love?”, dahil dito ko naranasan ang unang tamis ng pag-ibig. Naging “Love is the greatest thing in the world” na. Nang mag-break kami pagkaraan ng ilang buwan naging “Love is like a poison, it can kill you slowly” na ang sagot ko sa gasgas ba tanong. Memorable daw pag nagmahal ka sa unang pagkakataon at mas memorable pag nasaktan ka dahil dito.
Noong 4th year, muli akong umibig pero dito ko nalamang malaking bagay pala ang distansya sa itatagal nang isang relasyon. Pagtungtong ko ng unang taon sa kolehiyo, nag lay low muna ako sa pag-ibig. Kaya lang “Love will always find its way” ika nga dahil bago matapos ang ikalawang semester may nakilala akong dalaga. Niligawan, napasagot pero hindi rin pala siya ang aking tadhana. Mas madalas ang away kaysa lambingan. Hindi ko alam pero tila pinaglalaruan kami ng tadhana, alam kong mahal namin ang isa’t isa pero malayo ang distansya naming dalawa at para hindi na umabot sa puntong mawala ang katiting na paggalang at ituring naming kaaway ang isa’t isa ay ipinasya naming maghiwalay na. Inaamin kong nakatulong ito para mas maging matibay ang relasyon naming dalawa bilang magkaibigan.
Matapos ang ilang buwan, nagkaroon uli ako ng kasintahan, pero nang nagtagal nagkasawaan na. Dumating pa sa puntong niloko namin ang isa’t isa. “In love lying is inevitable” sabi nga ng isang DJ sa radyo. Parang paglubog ng araw ang naging ending naming dalawa. Nawala ang liwanag at tila nagdilim ang dating liwanag sa puso namin. Isang bitter break-up. Pagkatapos niya tila napagod na akong magmahal. Corny pero alam kong nadurog ang puso ko dahil sa kanya, naisip kong kasalanan ko ang lahat. Nakilala ko ang alak pero hindi ko siya ginawang libangan. Mapait, mahal at masakit sa ulo kinabukasan - yan ang naging impresyon ko sa kanya, tulad ng isang kasintahan iniwan ko rin s’ya at doon ko nakilala si “blog”.
“Love has many forms”, oo naging obsesyon ko ang pagsusulat sa blog at pag-ibig maging sa opresyon sa malayang pamamahayag. Minahal ko ang sining ng pagsulat kahit walang kasiguruhang mamahalin din ako ng mga akda at salitang aking isinusulat ang pagsusulat ang aking naging bagong kasintahan, ang aking naging sandigan at kasama tuwing Valentines.
No comments:
Post a Comment